-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatutok sa ngayon ang 6th Infantry Division (ID) sa pagpapabalik sa mga residenteng lumikas sa bahagi ng Maguindanao at North Cotabato border dulot ng digmaan sa naturang mga lugar.

Ito’y matapos sinuspinde noong nakaraang Linggo, Agosto 4 ng militar ang kanilang surgical operations laban sa grupo ni Abu Toraife at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Ipinaliwanag sa Bombo Radyo ni Lt. Col. Roberto Breboneria, ang tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army na ito’y para mabigyang-daan ang recovery operations ng 1,500 pamilya o nasa 7,500 na indibidwal dahil wala na umanong presensiya ng mga teroristang grupo sa bahagi ng SPMS Box (Saudi Ampatuan, Datu Salibo, Mamasapano, at Shariff Aguak) sa Maguindanao.

Nabatid na batay sa pinakahuling datos, nasa 15 miyembro ng BIFF ang nasawi sa bakbakan dahil sa air at ground assault sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao at Pikit, North Cotabato mula nang nag-umpisa ang gulo noong Hunyo 25.

Samantalang isang sundalo naman ang naitalang patay sa hanay ng militar.

Sa kabila nito, tiniyak ni Breboneria na magpapatuloy ang kanilang operasyon at surveillance sa naturang mga lugar upang maging mapayapa ito mula sa mga teroristang grupo.