BAGUIO CITY – Lumantad na rin ang ika-anim umanong suspek sa hazing na ikinamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ayon kay Police Regional Office – Cordillera director police B/Gen. Israel Dickson, isang Cadet 2nd Class na lalaki ang lumapit sa kanilang tanggapan at umamin na isa siya sa mga nangmaltrato sa namatay na kapwa kadete.
Una ng sinabi ng pulisya na nananatili sa loob ng PMA ang limang suspek, at sa Lunes ay isasampa na raw ang kaso ng mga ito.
Samantala, natukoy ng mga otoridad ang sinapit ni Dormotorio sa kamay ng mga mapang-abusong kapwa kadete sa PMA.
Nakita sa isang sulat ang mga detalye ng kanyang sinapit mula sa upperclassmen bago siya mamatay.
Kabilang umano dito ang pagpapahirap sa kanya matapos mabatid ng matataas na kadete na nangalahati na ang kanyang allowance.
Inutusan din umano ito ng iba’t-ibang physical exercises, kung saan ilang beses daw itong nahulog sa sahig.
Isang 3rd Class Cadet Felix Lumbag na kanyang buddy ang sumuntok sa tadyang ni Dormitorio nang makita ang pagbagsak nito sa inutos na physical exercise.
Nakasaad din sa liham ang pagkaka-confine niya sa ospital mula August 20 hanggang 27.
Ayon Baguio City Police Officer chief police Col. Allen Rae Co, dati ng sinuspinde si Lumbag at pinarusahan na maging off-limit sa mga plebo.