(Update) Muli na namang binulabog ang Southern California ng malakas na lindol kaninang pasado alas-11:00 ng umaga (PH time) o alas-8:19 ng gabi local time doon.
Naitala ng U.S. Geological Survey (USGS) ang lindol sa preliminary magnitude na 6.9 hanggang 7.1.
Ang European-Mediterranean Seismological Agency ay nagrehistro naman sa kanila ang 7.1 magnitude.
Dahil dito may ilang mga reports na rin na pinsala o kaya naman mga sugatan lalo na sa sentro ng malakas na pagyanig.
Natukoy ang epicenter ng lindol, 11 miles mula sa Ridgecrest, kung saan naunang tumama ang magnitude 6.4 quake kahapon.
Ang tumama naman ngayong araw ay tinawag na foreshock na mas malakas sa nauna.
Ilang mga residente naman ang nag-ulat na naramdaman nila ang lakas ng pagyanig sa downtown area na tumagal ng kalahating minuto hanggang sa layong Las Vegas at maging sa Mexico.
Kung pagbabasehan ang preliminary magnitude masasabing ito na raw ang pinakamalakas na lindol sa Southern California sa nakalipas na 20 taon.
Pero sa lugar ng Ridgecrest ay maraming tao ang nag-panic at naglabasan sa kanilang mga bahay at establisyemento.
May mga report na rin na sugatan at ilang mga insidente ng sunog dala na rin ng pagkasira ng gas lines.
Sa ngayon kumilos na rin ang California governor para ilagay sa emergency operation ang kanilang estado.
Libu-libu na ring mamamayan ang nakaranas ngayon ng pagkawala ng suplay ng koryente dulot ng tumamang kalamidad.
Idineklara na rin ang state of emergency sa Kern County sa California pero wala namang napaulat na fatality.
Iniulat din ng Bombo international correspondent sa Los Angeles na si Jun Villanueva na maging sa lugar nila sa bahagi ng airport ay ramdam din ang pagyanig na ikinabahala ng ilang mga empleyado.
Sa kanya ring inisyal na impormasyon ligtas naman ang maraming mga Pinoy na nakabasi sa lugar.
Ayon sa mga seismologists umaabot na sa 1,700 ang mga naitatalang aftershocks mula ng tumama ang 6.4 magnitude kung saan ang pinakamalakas ay umabot sa 5.4 quake.
Sinabi pa ng mga eksperto na inaasahang magpapatuloy pa ang nararamdamang aftershocks ng mga residente sa lugar.