DAVAO CITY – Niyanig ng magnitude 7.1 na lindol ang bayan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental nitong Huwebes ng gabi.
Batay sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-8:23 ng gabi tumama ang lindol sa nasabing bayan.
Ayon sa ahensya, “tectonic” ang origin ng pagyanig na may lalim na 116-kilometers mula sa lupa.
Naitala ang Intensity V sa General Santos City; Intensity IV naman sa Davao City, habang Intensity II sa Bislig, Surigao del Sur.
Nai-report naman ang “instrumental intensities” sa iba’t-ibang bayan at lugar tulad ng:
- Intensity V: Kiamba, Sarangani
- Intensity IV: General Santos City at Alabel, Sarangani; at Koronadal City, South Cotabato
- Intensity III: Kidapawan City, Cotabato; Bislig, Surigao del Sur; at Gingoog, Misamis Oriental
- Intensity II: Cagayan de Oro City, Surigao City; Surigao City; Borongan, Eastern Samar
- Intensity I: Catbalogan City, Samar
Mula nang maramdaman ang lindol, dalawang aftershocks na ang naitala ng Phivolcs. Isang magnitude 3.4 nang 9:09pm, at magnitude 3.2 nang 9:24pm.
Ayon sa ahensya, walang aasahan na pinsala ang naturang pagyanig ngunit patuloy na mararanasan ang aftershocks.
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Philvocs Director Renato Solidum, sinabi nito na namataan sa karagatang border ng Malaysia at Pilipinas ang epicenter.
Nilinaw nito na walang banta ng tsunami. (with reports from Bombo Radyo Butuan and Christian Yosores)