(Update) Kinansela na ang tsunami warning sa Alaska peninsula makalipas ang mahigit dalawang oras nang tumama ang 7.8 magnitude na lindol.
Iniulat ng National Tsunami Warning Center, naobserbahan lamang ang walong talampakan na naitalang maximum tsunami height sa bahagi ng Sand Point Alaska.
Una rito, nagdulot ng massive evacuation ang malakas na lindol na sinundan nang pagdeklara ng tsunami warnings.
Habang isinasagawa ang paglikas ng mga tao para magpunta sa higher grounds nagdulot naman ito ng matinding trapiko sa ilang kalsada.
Lalong nagpadagdag sa pag-panic ng mga tao ang sunod-sunod na aftershocks na rumehistro sa 5.2 magnitude, 4.8 magnitude at 4.6 magnitude.
Sa naging ulat naman ng US Geological Survey, natukoy ang sentro ng malakas na lindol sa 84 kms south-southeast ng Perryville, Alaska sa lalim na 6.2 miles ng karagatan.
Sa Pilipinas naman agad na nilinaw ng Phivolcs na walang dapat ikabahala dahil hindi naman aabutin ng tsunami ang bansa kung sakali.