-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nasawi ang isang pitong taong gulang na batang babae matapos umanong saksakin ng dalawang beses sa tiyan ng kanyang 14-anyos na kalaro na binatilyo sa Barangay Cawayan, New Washington, Aklan.

Ayon sa New Washington Municipal Police Station, naisugod pa sa Aklan Provincial Hospital ang biktimang si alyas Maine, subalit namatay din habang ginagamot.

aklan new washington capiz

Batay sa imbestigasyon, tinawag umano ng suspek na si alyas Jun ang biktima at dinala sa magubat na bahagi ng barangay dakong alas-8:00 ng umaga.

Subalit sa hindi malamang dahilan ay pinagsasaksak ito ng binatilyo.

Nakatakbo pa pauwi ang bata at nakapagsumbong sa kanyang ina sa totoong pangyayari.

Hindi naman makapaniwala ang magulang at lola ng bata na mangyayari ang krimen dahil halos araw-araw na sa kanilang bahay ang suspek at magkatabi lamang ang kanilang mga bahay.

Inaalam naman ng mga otoridad kung ginahasa ba ang bata bago ito hinabol ng saksak.

Napag-alaman na narekober ang underwear at shorts ng bata sa naturang lugar.

Nasa kustodiya ng Women and Children Protection Desk ng New Washington PNP ang binatilyo matapos itong maaresto sa katabing barangay ng Ochando at ililipat ito sa pangangalaga ng DSWD dahil sa pagiging menor de edad.