Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos ma hit-and-run ng isang pick up truck sa bayan ng Alburquerque Bohol.
Ang biktima ay kinilalang si alyas “Dodong” na naglalakad lamang sa tabi ng kalsada ng biglang humarurot ang pick up truck na minamaneho ng suspek na kinilalang si alyas “Boy”, 37 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PMSg. Alfred Sarigumba, imbestigador ng Alburquerque Municipal Police Station, sinabi nito na galing Cantiguib Sikatuna Road ang nasabing pick up truck nang bigla nitong nabangga ang nakaparadang motor bago nasagasaan ang batang biktima.
Sinabi pa ni Sarigumba na tumilapon ang sasakyan sa isang palayan, 300 metro ang layo sa pinangyarihan ng aksidente.
Base naman sa salaysay ng suspek, natakot umano itong bugbugin ng mga kamag-anak ng biktima kung kaya’t hindi ito bumaba sa kanyang sasakyan.
Sa kanilang imbestigasyon naman at sa resulta ng breathalyzer test, napag-alamang nakainom ng alak ang biktima nung panahon na iyon at nakatulog habang nagmamaneho.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Alburquerque Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property at paglabag sa RA 10586 o Anti-Drunk and Drug Act of 2013.
Payo naman nito sa mga motorista na huwag uminom ng alak kung nagmamaneho ng kahit anumang sasakyan upang hindi magkaproblema at makaperwisyo ng iba.