BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ngayon ang isang bata na nasawi matapos masagasaan ng van na minamaneho ng isang binata na nagsasanay magmaneho sa CARAA Ground, Bulanao, Tabuk City, Kalinga kahapon.
Nakilala ang bata na si Kimkim Addom, pitong taong gulang at residente ng Purok 7, Bulanao, Tabuk City.
Nakilala naman ang driver ng van na si Christian Osngar, 19-anyos, estudyante at residente ng Belong, Tinglayan, Kalinga.
Ayon sa pulisya, kasama ni Osngar ang kanyang mga kapatid kung saan nagsasanay sila sa pagmamaneho.
Pinagdedebatehan umano ng mga ito kung saang direksiyon sila tutungo nang aksidenteng masagasaan nila si Addom na nakasakay ng bisikleta.
Dinala agad sa pagamutan ang bata ngunit idineklara itong dead on arrival dahil sa natamo nitong malubhang sugat sa ulo.
Nahuli naman si Osngay na sa ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya.