-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa suspek na gumahasa at pumatay sa kanilang kapitbahay na pitong taong gulang na batang babae sa Barangay Estefania, Bacolod City kagabi.

Ang bangkay ng biktima ay natagpuan sa quarry site sa Purok Arao, Barangay Estefania dakong alas-11:00 kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa suspek na si Dexter Villa Juan, 24-anyos, sumabay siya sa kamag-anak ng biktima sa pag-inom ng alak ngunit bandang alas-9:00 kagabi, kanyang inanyayahan ang biktima na pumunta sa quarry site.

Pagdating sa lugar, pinasukan nito ng kanyang daliri ang ari ng biktima.

Nang sumigaw umano ang biktima, tinakpan nito ang kanyang bunganga at sinakal hanggang mamatay.

Dito na iniwan ng suspek ang biktima at umuwi sa kanilang bahay.

Nang nahanap ng kanyang pamilya ang biktima, kaagad ring nahuli ng mga pulis ang suspek na umamin din sa krimen.

Sa ngayon, nakakulong sa Bacolod City Police Station 4 si Villa Juan at nakatakdang sampahan ng kasong rape.