BAGUIO CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang pitong katao sa Baguio City at Mountain Province matapos mahuli ang mga ito sa magkaibang anti-illegal drug operations.
Kalaboso ang apat na katao sa Pinsao Proper, Baguio City matapos silang maaktuhang gumagamit ng iligal na droga, partikular ng pinaniniwalaang shabu.
Rumesponde ang mga otoridad matapos silang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ukol sa talamak na pot session ng iligal na droga sa kanilang lugar.
Nakilala ang mga nahuli na sina William Casibang, 26; Joemamel Dipatuan, 35, street vendor; Rasul Dipatuan, 31, street vendor at si Dario Dacera, 35, barbero na pawang residente ng Baguio City.
Nakumpiska mula sa apat ang tatlong pakete ng pinaniniwalaang shabu at mga drug paraphernalia.
Samantala, kulong na rin ang tatlong turista matapos makumpiska sa kanila ang mga marijuana sa harap ng isang cafe sa Bontoc, Mountain Province.
Agad nagresponde ang mga pulis nang makatanggap sila ng impormasyon ukol sa dala ng mga suspek na mga kontrabando na nagresulta sa pagkumpiska nila ng 10 tubular form at isang brick ng dried marijuana.
Nakilala ang tatlo na sina Michael Macunat, 27, gym instructor; Kent Tyron Bejasa, 23 at isang 17-anyos na estudyante na pawang mga residente ng Muntinlupa City.
Samantala, ipinangako ng Cordillera PNP ang pagpapatuloy nila sa mahigpit na anti-illegal drug operations sa buong rehiyon.