-- Advertisements --

ROXAS CITY – Isinailalim sa intervention program ng crisis center ng City Social Welfare and Development (CSWD) Puluy-an sang Pagpalangga ang pitong mga kababaihan na biktima ng human trafficking.

Ito ay kasunod ng isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Capiz) sa Paradise Bar sa Altavas Subdivision, Barangay Baybay, nitong lungsod.

Sa entrapment at rescue operation ng mga pulis, nahuli ang floor manager ng bar na si Elcid Besana Dario na ngayon ay nasa kostodiya na ng CIDG-Capiz.

Napag-alaman na nagsilbing bugaw si Dario sa mga kababaihan na nagtatrabaho sa nasabing bar kung saan siya mismo ang nakikipagtransaksyon sa mga kalalakihan na naghahanap ng panandaliang aliw, kapalit ng pera na kanilang mapagkasunduan.

Mula sa ibat ibang lalawigan ang mga bar girls kung saan karamihan sa kanila ang pinaasa lamang ng magandang trabahong naghihintay sa kanila.

Samantala narekober sa suspek ang P500 na marked money, personal na pera na umaabot sa P7,720 at isang condom.