-- Advertisements --

LA UNION – Nagtala ng panibagong pitong kaso ng COVID 19 ang lalawigan ng La Union, ayon sa DOH, PHO, at CHO.

Nakasaad sa official statement ng Provincial Gov’t. of La Union (PGLU) gayundin sa City Gov’t. of San Fernando, na anim mula sa mga pitong kaso ay naitala sa syudad ng San Fernando habang ang isang kaso ay naitala sa bayan ng Caba, La Union.

Dahil dito, ang bayan ng Caba simula bukas, July 21, ay isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang July 25, 2020.

Ito’y matapos aprubahan agad ng Regional Inter-Agency Task Force for Covid-19 (RIATF) ang kahilingan ng PGLU, sa pamamagitan ng Executive Order No. 23 series of 2020.

Samantala, nirerepaso pa umano ng RIATF ang kahilingan naman ni City Mayor Alf Ortega na isailalim din sa ECQ ang syudad.

Ibig sabihin, hindi pa inaprubahan ng RIATF ang nasabing request at hinihintay pa ang resulta nito.

Sa pitong bagong kaso ng COVID 19 na naitala sa lalawigan, anim ay mula sa San Fernando City at isa ang naitalang namatay umano sa sakit.

Dalawang barangay sa syudad, ang Barangay San Agustin at Barangay Tanqui ay isinailalim sa Heightened Community Quarantine (HCQ) until further notice.

Gayunman, lahat ng mga opisina ng pamahalaan sa mga HCQ areas ay patuloy ang operasyon.

Ang La Union, base sa case bulletin ng COVID 19, ay mayroon nang 57 total number of confirmed case, 31 ang mga aktibong kaso, nanatiling 19 ang recoveries at pito na ang namatay sa COVID disease kabilang na ang isang namatay dito sa syudad ng San Fernando.