-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Pitong kabahayan ang natangay ng naglalakihang alon sa Dawis, Brgy. San Agustin ng Tandag City, sa lalawigan ng Surigao del Sur dahil sa bagyong Odette ngunit walang naitalang casualty.

Sa ngayon ay pinapalikas na ng Office of the Civil Defense (OCD) Caraga ang mga residente sa buong Caraga Region na nasa coastal areas dahil sa banta sa paghagupit ng bagyong Odette matapos itong makapasok ng Philipine Area of Responsibility.

Ito ay matapos ding ini-ulat ni PAGASA-Hinatuan weather forecaster Jell Balesa ang pagbuo ng storm surges sa mga coast areas at mga pagbaha dahil sa dala nitong mga pag-ulan na may rainfall intensity na moderate, heavy hanggang sa torrential na magsisimula umano mamayang gabi hanggang sa Disyembre a-17.

Samantala sa Dinagat Island province naman, sinimulan na ng provincial government ang pre-emptive evacuation para sa mga vulnerable na mga indibidwal sa mga bayan ng Libjo, Cagdianao, San Jose at Dinagat.

Sa inilabas na situation recommendation ni Provincial DRRM officer Rosario Alon Jra., posibleng aabot hanggang sa 4 na metros ang mabubuong storm surge sa nasabing mga bayan kung kaya’t ipinatupad na rin ang ‘No Sail’ policy sa lahat ng mga uri ng sasakyan sa naturang lalawigan.

Naka-antabay na ang lahat ng mga government agencies at mga local government units upang matiyak ang zero casualty sa paghagupit ng nasabing bagyo.