Kinumpirma ng militar na nasa pitong banyagang terorista umano ang namataang nagsasanay ng mga kasapi ng teroristang grupong Abu Sayyaf sa Mindanao.
Sinabi ni Western Mindanao Command (WesMinCom) chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, sa 60 dayuhang terorista na nasa watchlist ng AFP sa Mindanao, pito raw dito ay nagtuturo sa mga rebelde tungkol sa paggawa ng bomba at suicide-bombing tactics.
“Ang validated is only 7 for now, pero mayroon tayong 60 na mino-monitor, kung sila ba talaga’y kasapi sa tinatawag na ISIS (Islamic State). Seven ’yung confirmed, actually across the joint area of operations of Western Mindanao Command, so Bangsamoro Region karamihan,” wika ni Sobejana.
Ayon kay Sobejana, nanggaling umano ang mga banyagang terorista sa Bangladesh, Indonesia, Malaysia, at sa Gitnang Silangan kung saan karamihan sa kanila ay nakita sa Maguindanao at Sulu.
“Sa ngayon ang total strength of Abu Sayyaf is around 300, that is the combined strength of the locals and foreign terrorists, and I think nahihirapan na silang mag-recruit pa ng additional members, dahil sa whole of the nation approach natin,” ani Sobejana.
Nitong Hunyo 28 nang maganap ang kambal na pagsabog malapit sa isang kampo ng militar sa Indanan, Sulu kung saan walo ang naitalang patay.
Sinasabing may psychological problems ang isa sa mga bombers na nilisan ang kanyang pamilya.
“Ito ’yung kina-counter natin ngayon, dahil very sad na nagkaroon ng Filipino suicide bomber na nangyari noong June 28. Nasuri naman natin na ang puno’t dulo ng kaniyang pag-alis sa pamilya ay battered son siya. So I think ang reform on governance ay nagsisimula sa isang pamilya,” anang heneral.
Hindi naman daw dapat na mabahala ang publiko hinggil sa presensya ng mga dayuhang terorista sa Mindanao, dahil pinaigting na rin umano ng militar ang kanilang mga hakbang upang limitahan ang paggalaw ng mga rebelde sa ground.