DAGUPAN CITY – Bagama’t buong probinsya ang monitoring, mahigpit na binabantayan ngayon ng Provincial Health Office ng nasa pitong bayan at lungsod sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa sakit na dengue.
Sa interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Provincial Health Officer Dra. Ana Marie De Guzman, itinuturing ngayon nila bilang “hotspots” ang mga bayan ng Bayambang, Bani, Pozzorubio, San Quintin, Anda at lungsod ng San Carlos, dahil naitala aniya sa mga lugar na ito ang mataas na kaso ng naturang nakamamatay na sakit na dala ng mga lamok.
Dahil dito ayon kay Dra. De Guzman, hinihiling nila sa mga lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng malawakang clean-up drive lalo at lumalabas sa kanilang pag-iimbestiga kung bakit mataas ang kaso nito sa kanilang lugar ay dahil maraming pinamumugaran ng lamok at madilim na siyang nais aniya ng mga lamok.
Dagdag pa ng opisyal, nakahanda ring magbigay ng tulong ang kanilang tanggapan para sa clean-up drive habang sa pagsisimula muli ng pag-iikot ng kanilang “Kalusugan Karavan” ay mamamahagi na sila ng kulambo at mga kurtina lalo na aniya sa mga barangay na mayroong clustering o maraming naitalang kaso ng dengue.