-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Patuloy na binabantayan ng Provincial Veterinary Office (PVO) ng Cagayan ang pitong bayan sa lalawigan na dinarayo ng migratory birds kasunod ng outbreak ng H5N1 bird flu virus sa China.

Sinabi ni Dr. Myka Ponce ng PVO na dalawang beses sa isang taon nagsasagawa ng surveillance ang pamahalaan sa mga wetland areas na dinarayo ng mga ibon mula sa ibang bansa dahil sa klima.

Tiniyak ni Ponce na regular ang pagkolekta ng mga sample sa mga itik o pato na may direktang kontak sa migratory birds kung saan wala pang na-irecord na nagpositibo sa bird flu virus.

Pinayuhan din ni Ponce ang publiko na huwag hulihin o kainin ang mga ito dahil posibleng maging carrier ng nakakahawang virus ang mga ibon na mula sa ibang bansa.

Sinabi ni Ponce na kung may mga kaso ng namatay na ibon ay isangguni ito sa mga otoridad.

Bukod sa 2019 NCoV ay nagdulot din ng panibagong pangamba sa publiko ang H5N1 bird flu virus outbreak sa Hunan Province sa China na pumatay sa nasa libo-libong manok.