NAGA CITY – Muli nanamang nalubog sa baha ang ilang bayan sa probinsya ng Camarines Sur dahil sa patuloy na nararanasang malakas buhos ng ulan dala ng bagyong Ulysses.
Ang nasabing mga bayan ay ang bayan ng Buhi, Baao, Nabua, San Jose, Libmana, Camaligan at Ragay dahil naman sa pag-overflow ng tubig mula sa mga ilog.
Naitala rin ang Storm Surge sa Sabang Coastline sa bayan ng Calabanga.
Kaugnay nito nakakaranas rin ngayon ng flashflood sa Brgy. Presentacion, Pili, Camarines Sur kung saan ilang mga barangay na rin mula sa naturang bayan ang kasalukuyan naring lubog sa baha.
Ilang mga national road na rin sa probinsya ang hindi na madaanan.
Sa ngayon, nagbabala naman ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga mamayan na maging alerto dahil posibleng madagdagan pa ang mga lugar na nakakaranas ng pagbaha maging ang pagkakarooon ng storm surge at flasflood dala ng naturang sama ng panahon.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Estel Estropia, tagapagsalita ng PDRRMO-Camarines Sur sinabi nito na matapos magpatupad ng force evacuation si Gov. Migz Villafuerte ay agad na umanong nailikas ang mga residenteng mula sa mga lugar na nasa high risk areas.
Ayon kay Estropia, dahil na rin sa pagbaha dala ng naturang bagyo ay agad umanong inilikas ang aabot sa 3,000 na pamilya mula sa limang barangay sa bayan ng Buhi dahil delikado umano ang naturang lugar sa landslide at mudflood.
Kaugnay nito muli namang nagpalabas ng memorandum si Villafuerte hinggil sa pagpapaalala sa mga PDRRMO at Local DRRMO na tiyakin ang zero casualty sa gitna ng pananalsa ng bagyo sa probinsya.
Sa ngayon dahil ilang mga bayan pa rin ang nanatiling walang supply ng kuryente at mahinang signal dahil sa Super Typhoon Rolly na una nang nanalasa sa Bicol Region, kung kaya nagtalaga na umano ang ahensya ng mga drop off officer para sa mas mabilis na update mula sa bawat munisipalidad ng lalawigan.