LEGAZPI CITY- Nakapag-uwi ng parangal ang pitong mga Bicolano matapos na makapasok sa Top 20 finalist ng Mobile Phone Photography Contest ng DOST PAGASA mula sa libo-libong kalahok sa buong Pilipinas.
Parte ang aktibidad ng selebrasyon ng 156th National and 71st World Meteorological Day kung saan cellphone lang ang ginamit sa pagkuha ng larawan at online ang pagpapadala ng entry.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa nakakuha ng Top 4 sa kompetisyon na si Allen Clores na tubong Camarines Sur, laking tuwa nito na makakuha ng pwesto lalo pa’t di rin biro ang mechanics na kailangan maipakita ang kagandahan ng mga karagatan sa bansa sa gitna ng pandemya.
Sa picture na kuha ni Clores makikita ang baybayin ng Masbate City, kasabay ang mga bangka at makapal na kaulapan na may magandang reflection ng sinag ng araw.
Kasama pa sa mga Bicolanong pasok sa Top 20 sina Micheal Fugnit at Phoebe Fura na mula sa Sorsogon; James Albert Polero, Jerry Buela at Rachel Ann Belinaro ng Albay; at Alynna Pamplona ng Camarines Sur.