(Update) CENTRAL MINDANAO – Lomobo pa ang bilang ng mga nagsilikas na sibilyan sa kalat-kalat na palitan ng bala ng militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawing sundalo na si Sgt. Randy Alivar habang sugatan naman sina Pfc. Ruel Sumilhig at Pfc. Allan James Cabildo, kapwa nakatalaga sa 33rd Infantry Battalion Philippine Army.
Nakilala naman ang dalawa sa pitong mga napatay na terorista na sina Katib Amerudin at Madzid Sangid habang nasa 11 ang sugatan na mga miyembro ng Dawlah Islamiyah ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pamumuno ni Shiekh Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abu Toraife.
Sa ulat ng 601st Brigade, habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao nang makaengkwentro nila ang mga terorista.
Dito na sumiklab ang kalat-kalat labanan ng mga kawal ng gobyerno at mga teroristang BIFF.
Umaabot sa 2,027 katao na residente ng Brgy Tukanalipao ang lumikas patungo sa mga ligtas na lugar.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng militar laban sa BIFF sa bayan ng Mamasapano Maguindanao.