-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot s apitong mga kasapi umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters Karialan Faction ang nasawi sa inilunsad na PNP-AFP Law enforcement Operation sa Barangay Damawato, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.

Ito ang kinumpirma ni Police Capt. Nurjhasier Sal, hepe ng Datu Paglas PNP.

Nanindigan si Capt. Sal na isang legitimate operation ang nangyari na nagresulta sa madugong engkwentro kung saan target sina Nasser Yussef Husain alyas Tutin Usop at Norjihad Husain alyas Datdat Yusop na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms and ammunitions.

Papasok pa lamang umano ang operating team sa pinagtataguan ng mga suspek ay pinaulanan na sila ng bala ng hindi madeterminang bilang ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na ikinasugat ng isang kasapi ng pulisya.

Kaya’t gumanti ng putok ang mga otoridad na nagresulta sa ilang minutong palitan ng putok na ikinasawi ng dalawang target ng operasyon at mga kasamahan nito.

Narekober naman sa pamamahay ng mga suspek ang anim na high powered firearms at assorted ammunition kabilang na ang Uzi, M16 rifles at mga caliber .45 pistols.

Agad naman na dinala sa pagamutan sa lungsod ng Tacurong ang sugatang kasapi ng pulisya.

Samantala, tinawag naman na masaker ng mga pamilya ng nasawi ang nagyari kaya’t sigaw ng mga ito ay hustisya at malalimang imbestigasyon.
Itinatanggi din ng bawat pamilya ng mga suspek na sangkot sa anumang krimen ang mga nasawi.