CENTRAL MINDANAO-Sumuko sa 602nd Brigade at 90th Infantry (Bigkis_Lahi) Battalion Philippine Army ang 7 kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga rebelde ay mga tauhan ni Kumander Bungos ng BIFF Bungos faction at Kumander Karialan ng BIFF Karialan faction.
Pormal namang tinanggap ni 602nd Brigade Commander Bregadier General Roberto Capulong at 90th IB Commander Lieutenant Colonel Rommel Mundala ang mga sumukong BIFF.
Dala ng pitong BIFF sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas, mga bala, magazine at mga pampasabog.
Namahagi rin ng tulong si Pikit OIC Mayor Muhyren Sultan Casi sa mga sumukong rebelde na nais nang magbagong buhay at mamuhay ng mapayapa.
Matatandaan na unang sumuko ang mga rebelde sa LGU-Pikit.
Nagpasalamat naman si BGen Capulong sa LGU-Pikit sa pamumuno ni Mayor Sumulong Sultan sa pagtulong sa negosasyon sa pagsuko ng mga rebelde.
Hinikayat ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy ang ibang BIFF at mga Armed Lawless Group na sumuko na dahil tutulungan sila ng pamahalaan.