Inaasahang nasa pitong bilateral agreements ang malagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pagbisita ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na linggo ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay DFA Assistant Secretary Nathaniel Imperial, kabilang sa lalagdaang kasunduan ay ang humanitarian assistance on disaster relief o HADR cooperation.
Welcome naman ayon sa DFA official para sa bansa ang naturang kasunduan sa oras na ito ay malagdaan dahil ang Japan ay isang napakahalagang partner ng Pilipinas sa pagbibigay ng assistance sa tuwing may kalamidad.
Samantala, pangungunahan naman ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang isang exchange of notes sa $3 billion halaga ng infrastructure loan agreements para sa North-South Commuter Railway at sa extension nito na nakatakdang lagdaan ng Department of Finance.
Lalagdaan din aniya ng DFA chief ang isang agreement sa information and communications technology bilang kinatawan ni DICT Secretary Ivan John Uy.
Isasapormal rin ng Japan at Pilipinas ang memorandum of cooperation sa agriculture na nakikitang magpapalakas sa farm exports ng bansa at makakakuha ng mas mahusay na access sa merkado ng Japan.
Pagdating naman sa security agreement, posible aniya itong pag-usapan sa hinaharap subalit uunahin muna aniya ang usapin sa humanitarian assistance.