Sinibak sa puwesto ang pitong tauhan ng Bureau of Corrections na nauugnay sa kontrobersyal na strip search sa mga bilanggo sa New Bilibid Prison.
Sa gitna ito ng ginagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights at maging ng Department of Justice hinggil sa nasabing isyu.
Sa isang statement, sinabi ng pamunuan ng BuCor na ang naturang mga sinibak nilang tauhan ay isasailalim muna sa hurisdiksyon ng opisina ng Superintendents ng New Bilibid Prison.
Kung maaalala, nag-ugat ang imbestigasyon ukol dito matapos maghain ng complaint sa CHR ang mga asawa ng mga PDL at political prisoners na nakaranas ng strip search sa Maximum Security Compound ng NBP noong Abril 21, 2024 kung saan hubo’t hubad silang sinisiyasat bago makabisita sa kanilang mga mahal sa buhay na nakabilanggo sa naturang piitan.
Matatandaan din na kaugnay nito ay una nang nagpaliwanag si NBP Maximum Security Camp commander Abel Ciruela na naging mandatoryo lamang ito nang dahil na rin sa malaking bilang ng mga kontrabando nakukumpiska ng kanilang mga tauhan sa pasilidad, gayundin sa mga pagtatangka ng mga bumibisita dito na magpasok ng mga kontrabando at ilegal na droga.