-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isang pitong buwang sanggol ang hinostage ng kanyang Lolo sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala lamang ang biktima na si Baby Shine,residente ng Purok Bagumbong Brgy Poblacion Ampatuan Maguindanao habang ang suspek ang kanyang 60 anyos na Lolo na si alyas Doro,tricycle driver at nakatira sa bayan ng Parang Maguindanao.

Ayon kay Ampatuan Chief of Police,Major Gilbert Acorbo na tuliro umanong dumating ang suspek sa bahay ng kanyang anak at kinuha ang bata.

Dinala ng Lolo ang sanggol sa national highway malapit sa tulay sa bayan ng Ampatuan.

Nang pigilan ang suspek ng kanyang mga kamag-anak at mga pulis,bigla nitong hinostage ang bata gamit ang matalim na itak.

Nagbanta si Lolo Doro na gigilitan nya ng leeg ang sanggol kung may lalapit sa kanyang tao para agawin ang biktima.

Ngunit sa ginawang negosasyon ng pulisya at mga kamag-anak ng suspek pinakawalan nito ang bata.

May malaking halaga umanong utang ang suspek na kanyang iniiwasan kaya balisa ito at wala sa tamang isip.

Ngunit may nakapagsabi sa kanyang mga kamag-anak na lulong ito sa pinagbabawal na droga.

Ang suspek ay nakapiit na sa lock-up cell ng Ampatuan PNP at patuloy na iniimbestigahan.