Arestado ng Bureau of Immigration Intelligence Division (BI-ID) agents ang pitong lalaking Chinese nationals sa Masinloc, Zambales dahil sa pagtatrabahong walang kaukulang visa at sangkot sa illegal sand dredging activities.
Ayon kay BI Intelligence Officers Ricardo Cabochan at John Mendez, na nanguna sa arresting team, tatlong grupo umano ang naghalughog sa anim na vessels kabilang ang “Sand Carrier Horner 1” at dito naaresto sina Chen Shiniu at Chen Shaoshao.
Habang sa “Dredger Warrior 6” naaresto naman sina Xu Xiansheng, Jiang Xin, Zhao Yihong, Gong Yaan at Xie Yuhong.
Sa report na isinumite kay BI Commissioner Jaime Morente, Ang mga banyaga ay naaresto kahapon ng BI Intelligence agents mula Manila at Region 3 sa pakikipag-ugnayan ng mga ito sa PNP 305th Maneuver Company Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at Regional Special Operations Group (RSOG) Region 3.
Maliban sa paglabag sa immigration laws, nilabag din umano ng mga Chinese ang Philippine Mining Act of 1995 at Executive Order 292.
Ayon Kay Morente, banta umano sa national security at interest ng Pilipinas ang mga banyaga dahil sa pagnanakaw ng mga ito ng minerals at resources ng bansa.
Sa pagtatanong at verification, lumalabas na overstaying na ang mga suspek na walang kaukulang visas o permits.
Agad namang dinala sa BI Main Office Ang pito na isasalang na sa verification at proper inquest proceedings.