-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Halos 10 construction workers mula sa Leyte ang napilitang maglakad mula Metro Manila pauwi sa kanilang bayan sa Mc Arthur.

Ito’y matapos umano silang abandonahin ng kanilang pinagtatrabahuan sa gitna ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa Luzon na nagsimula noong March 17.

Ayon sa nagngangalang Danny Bollena, naudyok sila ng kanyang mga kasamahan na maglakad pauwi dahil maliban sa walang biyahe ay wala rin silang matutuluyan sa Manila at pahirapan ang kanilang pang araw-araw na kakainin.

Nagsimula ang mga itong maglakad noong Biyernes, Marso 20.

Nakadepende naman ang mga ito sa ibinibigay na pagkain ng mga kasundaluhan o kapulisan at sa mga gilid ng daan na ito nagpapalipas ng magdamag.

Kaugnay nito, nanawagan si Bollena at ang kasama nito sa McArthur, Leyte-local government unit na matulungan sila na makauwi upang makasama na nila ang kani-kanilang pamilya.