LEGAZPI CITY – Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang pitong driver ng bus at truck na napag-alamang gumamit ng iligal na droga habang nasa biyahe.
Natukoy ito nang magpositibo ang mga driver sa isinagawang random drug testing sa mga dumadaang sasakyan sa kahabaan ng DPWH Weighbridge sa Maharlika Highway ng Brgy. Centro Occidental, Polangui, Albay, dakong ala-1:00 ng madaling-araw.
Kabilang sa mga inaresto sina Hernan Catapia, 40 ng Sto Cristo, Sariaya, Quezon; Richard Balbin, 47 ng Sto. Domingo, Albay; Rogel Brondial, 40 ng Purok 5 San Vicente, Tabaco City; Ronnie Olanga, 30, ng Mateuna, Tayabas, Quezon; Bernabe Rabulan, 35, ng San Rafael, Guinobatan, Albay; Vincent Cardenas, 28, Gamot, Libmanan, Camarines Sur; at Jason Badillo, 40, ng Socorro, Sariaya, Quezon.
Matagumpay ang resulta ng operasyon na isinagawa ng pinag-isang pwersa ng Land Transportation Office (LTO), Department of Public Works and Highways (DPWH), Polangui PNP, Albay PNP Intelligence Operatives at iba pang PNP offices sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bicol.
Nagsagawa rin ng body search sa mga suspek na dinala na ngayon sa pangangalaga ng Polangui PNP para sa karampatang disposisyon.