Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na pitong drug personalities ang patay sa inilunsad na anti-drug operations sa kasagsagan ng Semana Santa.
Ayon kay Dela Rosa, hindi nila itinigil ang kanilang kaliwa’t kanang anti -illegal drug operations kahit panahon ng Kwaresma.
Mahigit 800 naman ang bilang ng mga naaresto mula sa mahigit 505 na operasyon laban sa iligal na droga.
Ang mga nabanggit na bilang ay naitala mula noong March 28 o Miyerkules Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay kahapon, April 1.
Una nang sinabi ng PNP chief na hindi ititigil ang kanilang kampanya kontra droga at wala itong pinipiling okasyon.
Ngunit kung tuloy ang operasyon kontra droga, hindi naman naglunsad ng Oplan Tokhang dahil holiday.
Paliwanag ni Dela Rosa, ginagawa lamang ang Tokhang kapag office hours mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
“There was no officer hours during the lenten season so walang tokhang pero ang anti-drug Operation tuloy yan kaya marami tayong nahuli 811 ang nahuli during he lenten season, 7 ang patay,” wika ni Dela Rosa.
Samantala, ipinauubaya na ni PNP chief sa mga regional police commanders kung kanilang ida-downgrade ang alert level sa kanilang mga areas of responsibility.