-- Advertisements --

Nagdeklara na ng state of calamity ang 6 na estado ng Amerika dahil sa nararanasang matinding winter storm.

Kabilang dito ang mga estado ng Kentucky, Virginia, West Virginia, Arkansas, ilang parte ng New Jersey, Kansas at Missouri.

Sa Lexington, Kentucky, naitala ang 12.7cm (5 pulgada) ng niyebe kaninang 5:30PM eastern time habang sa siyudad ng Louisville sa Kentucky, naitala naman ang 19.5 cm o 7.7 pulgada ng niyebe.

Sa may Topeka, Kansas, naitala ang 30 cm o 12 pulgada ng niyebe, ikaapat sa pinakamataas na kabuuang snowfall na naitala sa loob lamang ng isang araw.

Ang estado nga ng Kansas kasama na ang Missouri ang ilan sa mga lugar na inaasahang matinding maapektuhan ng winter storm kung saan kahapon, araw ng Linggo, mahigit 10 pulgada ng niyebe ang bumagsak sa ilang mga lugar sa nasabing mga estado.

Bunsod nito, nasa mahigit 60 million mamamayan ng Amerika sa mahigit 30 estado ang dumaranas ng matinding winter storm na maaaring magdala ng pinakamabigat na snowfall at pinakamalamig na temperatura sa mahigit isang dekada.

Una rito, nasa kabuuang 3,300 inbound at outbound flights sa Amerika ang naantala habang 1,700 naman ang kinansela dahil sa winter storm.

Pinakamatinding apektado dito ang Kansas City International Airport at St. Louis Lambert International Airport sa Missouri.

Samantala, sa kabila ng epekto ng winter storm, hindi nito mapipigilan ang ginagawang paghahanda sa kabisera ng Washington D.C. para sa sertipikasyon ng resulta ng 2024 presidential elections, isang nakagawiang procedures tuwing Enero 6 matapos ang halalan.

Sa ilalim kasi ng Electoral Count Reform Act, walang discretion ang US Congress na palitan ang petsa para sa sertipikasyon kayat dapat na simulan ng Congress ang electoral votes dakong 1PM eastern time ng Enero 6 o kung sa oras sa Pilipinas alas-2 ng madaling araw ngayong Lunes, Enero 6.