-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Nagpapagaling na sa pagamutan ang pitong menor de edad na pawang mga estudyante na nasugatan matapos bumangga ang kanilang sinakyang pampasaherong jeep sa street light sa Sto. Niño, Cagayan.

Ayon kay Police Capt. Ranulfo Gabatin, hepe ng Sto. Niño-Philippine National Police, sa kanilang imbestigasyon ay nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Noe Ponte, 40-anyos, hanggang sa bumangga ito sa street light sa Barangay Tabang.

Sinabi ni Gabatin na overloaded ang jeep na nasa 30 ang pasahero na karamihan ay edad 11 hanggang 15-anyos kung saan nag-top load pa ang iba at tumilapon.

Bukod dito, lasing pa umano ang driver ng jeep.

Kinilala ang mga sugatan na sina Angela Romero, 13; Layla Duldulao, 11; Dianne Jane Daquioag, 13; Wilma Casaguep, 13; Abgeline Bacunot, 12; Rustom Martinez, 15; at Roxanne Capili, 13.

Sinabi ni Gabatin na pauwi na sana ang mga pasahero mula sa kanilang paaralan ng mangyari ang aksidente.