BOMBO DAGUPAN – Pitong mga estudyante sa isang paaralan sa bayan ng Calasiao, Pangasinan ang nasaniban umano ng masamang espiritu.
Nakatanggap ng impormasyon ang Bombo Radyo Dagupan mula sa isang concerned citizen sa nangyari umanong sanib sa Doyong Malabago National High School sa Barangay Doyong, Calasiao.
Kaagad na sinuspinde ang klase makaraang saniban umano ng masamang espiritu ang pito sa mga estudyante nito.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo sa isa sa mga guro na si Elemer Mendoza na siyang nakasaksi ng nabanggit na usapin, hindi aniya ito maituturing ng paaralan na isang “sanib” bagkus nag-a-adjust pa lamang siguro umano ang mga estudyante sa face-to-face classes.
Dagdag pa ni Mendoza, nagsagawa sila ng “psychosocial” na aktibidad upang kumpirmahin kung ano nga ba talaga ang dahilan at ugat ng nabanggit na insidente.
Sinubukan naman kuhanan ng pahayag ang punong-guro ng paaralan patungkol sa nasabing usapin ngunit tumanggi itong magbigay ng impormasyon.
Paglilinaw naman ng naturang paaralan, ‘wag mabahala dahil ginawa naman anila ang lahat upang gawan ng aksyon ang naturang insidente.