-- Advertisements --

Tuloy na tuloy na ang biyahe patungong NBA G-League ng basketball prodigy at dating Ateneo star na si Kai Sotto.

Sa anunsyo mismo ni Sotto sa kanyang social media account ngayong Huwebes, sinabi nito na pumirma na ito ng kontrata sa G-League Pro Program.

Ayon 7-foot-2 prospect, excited na raw itong maglaro at hasain pa ang kanyang abilidad upang matupad ang kanyang pangarap na maging kauna-unahang full-blooded Pinoy sa NBA.

“Now, I have to take the next big step towards my NBA dream,” wika ni Sotto. “We have many options available but after much thought, I believe this option is the best route for me to get closer and faster to that dream.”

“Here, I will be playing with some of the very best and I will have even more resources and support,” dagdag nito. “I am committed to work on developing my game on a much bigger stage.”

Kasama ni Sotto sa G-League ang isa ring top prospect at Fil-Am na si Jalen Green.

Humingi naman ng suporta at dasal si Sotto sa mga Pilipino.

Batay sa naunang ulat, diretso na sa nasabing liga si Sotto at hindi na dadaan pa sa kolehiyo.

Mula sa Pilipinas ay bumiyahe ang 18-anyos na si Sotto sa America upang hasain pa ang kanyang talento sa basketball.

Naglaro din ito para sa Atlanta-based sports and development organization na The Skill Factory kung saan tumatak ang kanyang pangalan.