KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang pinaigting na monitoring ng militar kaugnay sa mga nakapasok umanong mga foreign terrorist sa Pilipinas na tumutulong sa mga armadong lokal na terorista.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay WESMINCOM spokesperson Major Arvin Encinas, sinabi nito na nasa pito ang nakumpirmang mga foreign terrorists ang nakapasok sa bansa na posible umanong kinakanlong at sumusuporta sa BIFF at Abu Sayyaf group.
Ayon kay Encinas, maliban sa naturang mga banyagang terorista, may iba pa aniyang mga terorista mula sa ibang bansa ang kanilang binabantayan upang matiyak na hindi sila magkakaroon ng pagkakataong makapagsagawa ng mga pag-atake.
Samantala, sinabi ni Encinas na wala pa ring pagbabago sa liderato ng mga local terrorist group katulad nina Bongus Karialan ng BIFF at Abu Toraife sa bahagi ng Jolo, Sulu.
Dahil dito, umaapela ang opisyal ng kooperasyon sa publiko para sa pagbabantay at pinag-ibayong seguridad.