BAGUIO CITY – Kulong na ngayon ang pitong mga illegal loggers habang nakumpiska ang higit P155,000 na halaga ng mga kahoy o tabla sa tatlong probinsya sa Cordillera.
Ayon sa pulisya, resulta ito ng patuloy at mahigpit na pagpapatupad nila ng Presidential Decree 705 o ng Forestry Reform Code of the Philippines.
Hinuli ng mga pulis ang pitong indibidual na naaktuhang namumutol ng mga kahoy na Tanguili Red Lawan sa Carallan, Luyon, Luna, Apayao.
Nakilala ang mga ito na sina Lorenzo Tenorio Espiritu, Roger Guerrero Cotillon, Rey Orus Mina, June-June Orus Mina, Robert Curitug Atabay, Michael Maluom Atabay at Ryan Pedronan Paligat na pawang mga residente ng Pamplona, Cagayan.
Nakumpiska sa mga ito ang mga pinutol na kahoy na nagkakahalaga ng higit P22,500 at dalawang hindi rehistradong chainsaw.
Samantala, nakumpiska din ng mga otoridad ang higit P133,000 na haaga ng mga tabla sa mga bayan ng Tinoc, Kiangan at Aguinaldo sa Ifugao at sa bayan ng Bakun sa Benguet.
Ipinasakamay na sa Department of Environment and Natural Resources ang mga nakumpiskang mga puno habang nakasuhan na sin ang mga nahuling illegal loggers.