-- Advertisements --

ROXAS CITY – Na-rescue ng mga otoridad ang pitong kababaihan na umano’y biktima ng human trafficking sa entrapment at rescue operation sa Paradise Bar, Barangay Baybay, Roxas City.

Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-Capiz) ang manager ng nasabing bahay aliwan na si Elcid Besana Dario dahil tumatanggap ito ng mga lalaking customer kapalit umano ng panandaliang aliw mula sa kanilang bar girls.

Narekober sa suspek ang P500 na marked money, personal na pera na umaabot sa P7,720 at isang condom.

Napag-alaman na isinailalim sa monitoring ang bahay aliwan bago isinagawa ang operasyon na naging daan para ma-rescue ang mga kababaihan na mula sa iba’t ibang lalawigan.

Samatala nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Person Act of 2012 si Dario.