-- Advertisements --
Macalimbol 7

CENTRAL MINDANAO – Pawang mga estudyante at hindi umano mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang pitong mga nasawi sa engkwentro ng militar at pulisya sa probinsya ng Cotabato.

Galit ang naramdaman ng pamilya ng mga napatay sa Sitio Narra, Barangay Tumbras, Midsayap, North Cotabato.

Iginiit ng pamilya ng pitong nasawing kabataan na hindi sila mga miyembro ng BIFF at pawang mga estudyante lamang.

Sinasabing natulog sila sa kubo dahil madaling araw umano silang magtatanim ng palay bago pumasok sa klase.

Wala rin daw silang mga armas at hindi nanlaban sa mga sundalo at pulisya na pumasok sa kubo at walang habas na nagpaputok ng kanilang mga armas.

Unang sinabi ni 34th Infantry Battalion Philippine Army commanding officer Lt. Col. Glen Caballero na nakatanggap sila ng impormasyon galing sa mga sibilyan sa presensya ng grupo ni Mama Macalimbol na miyembro umano ng BIFF at sangkot sa iba’t ibang kaso.

Nang magresponde ang militar, katuwang ang Cotabato PNP at Midsayap MPS sa pamumuno ni Lt. Col. Miridel Calinga ay nanlaban daw ang mga suspek kaya napilitan na gumanti ng putok ang mga otoridad.

Nasawi si Macalimbol at anim nitong mga kasamahan sa engkwentro kung saan narekober ang mga matataas na uri ng armas at mga bala.

Ang mga menor de edad na nasawi ay mga bagong recruit umano ni Macalimbol.

Sa ngayon ay nakatakdang maghain ng reklamo ang pamilya ng mga napatay sa Commission on Human Rights.