BAGUIO CITY – Nagsisisi na umano ang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na may kinalaman sa pagmaltrato na nagresulta sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Ayon kay PMA Commandant of Cadets Brig. Gen.Romeo Brawner Jr., binisita niya ang mga nasabing kadete sa holding area na pinangungunahan ni Cadet 1st Class Axl Rey Sanopao.
Aniya, nakita niya ang lungkot sa mga mata ng mga nasabing kadete at ang pagsisisi ng mga ito.
Dinagdag niya na hindi rin ginusto ng mga nasabing kadete na may mamatay at wala aniyang intension ang mga ito na may patayin sila.
Gayunman, hindi aniya naiwasan ang nangyari kaya nagsisisi na ngayon ang mga responsable.
Maaalalang sa ngayon ay nasa stockade at holding center ng akademya ang pitong kadete na nahaharap ngayon sa mga kasong administratibo at kriminal dahil sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio.
Sinabi pa ni Brigadier General Brawner na may mabubuong general court marshal na siyang uusig sa administrative case na naisampa laban sa pitong kadete, partikular ang kasong paglabag sa Articles of War 96 o ng conduct unbecoming of an officer and a gentleman.
Ayon sa kanya, dahil sa bigat ng kaso ay kailangang may mabuong general court martial kung saan pinipili na ang mga bubuo sa nasabing military court.
Maaalalang maliban kay Sanopao ay suspek din sa pagmaltrato kay Cadet Dormitorio sina Cadet 3rd Class Shalimar Imperial, Cadet 3rd Class Felix Lumbag Jr., Cadet 3rd Class John Vincent Manalo, Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena, Cadet 3rd Class Rey David John Volante at Cadet 2nd Class Christian Zacarias.