Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Japan Prime Minister Fumio Kishida ang pitong kasunduan o agreements na may kinalaman sa mutual cooperation kasama na ang humanitarian assistance, disaster relief, infrastructure, agriculture at digital cooperation.
Kabilang sa mga nilagdaan ang Exchange of Notes on Japanese Official Development Project: North-South Commuter Railway Extension (NSCR) Project (II) o NSCR; Exchange of Notes on Japanese Official Development Project: NSCR – Malolos to Tutuban Project (II); Loan Agreement para sa NSCR Extension Project (II); Loan Agreement para sa NSCR- Malolos hanggang Tutuban Project (II); Umbrella Term of Reference (TOR) on Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) Cooperation; Memorandum of Cooperation (MOC) sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at Ministry of Agriculture, Forestry and Fisheries on Agriculture Cooperation; at Memorandum of Contract sa Field of Information and Communications Technology.
Saksi kapwa sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Prime Minister Fumio Kishida sa isinagawang exchange of documents.
Sina Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo, Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno, at Department of Agriculture (DA) Undersecretary Domingo Panganiban ang lumagda sa ilang kasunduan.
Sa naging mensahe ni Japanese Prime Minister Kishida, binanggit nito ang kanilang naging pag-uusap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may kinalaman sa ilang regional issues gaya ng pagtiyak sa peace and stability sa rehiyon.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos, na pagkatapos ng kanilang meeting ng prime minister ay mas lumakas pa ang namamagitang relasyon ng Pilipinas at Japan, na lalo pang pinagtibay ng mga nalagdaang kasunduan.
Nagkaroon din ng isang Joint Statement si PBBM at PM Kishida kung saan inihayag ang pagpapaigting ng relasyon at pagtutulungan ng Pilipinas at Japan sa iba’t ibang larangan.
Nagpahayag ng suporta ang Japan sa layunin ng bansa na makamit ang estado na upper Middle Income Country (UMIC).
Papalawigin din ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t ibang sektor partikular sa imprastraktura, agrikultura, at seguridad.