Nasa 7 katao na ang naitalang nasawi habang 4 na iba pa ang nawawala sa Antipolo city dahil sa landslide at baha dulot ng hagupit ng bagyong Enteng base sa datos ng Antipolo city government nitong gabi ng Lunes, Setyembre 2.
Tatlo sa mga nasawi ay natabunan ng lupa dahil sa landslide kung saan isa dito ay buntis mula sa barangay San Jose habang ang 2 naman ay magkapatid na batang lalaki na magkayakap nang marekober matapos mabaon sa makapal na putik at bumagsak na mga puno.
Base sa impormasyon naman sa Antipolo Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) nitong gabi ng Lunes, narekober din ang labi ng isang taong gulang na lalaki sa hiwalay na insidente ng landslide sa barangay San Luis.
Ayon sa mga opisyal, ang mga magulang ng nasawing bata at kaniyang 8 taong gulang na kapatid ay nawawala habang nakaligtas naman ang lolo nito.
Ang 3 iba pa na nasawi ay bunsod ng mga pagbaha.
Inilarawan naman ng lokal na pamahalaan ng Antipolo na mas malala ang epekto ng bagyong Enteng sa kanilang siyudad kumpara noong nanalasa ang bagyong Carina sa ilang parte ng Luzon noong Abril.
Ayon kay Antipolo DRRMO head Relly Bernardo, nakaranas ng matinding buhis ng pag-ulan ang silangang bahagi ng Antipolo maging sa Rizal kayat ang ilang barangay na hindi naranasan ang epekto ng Carina ay nakaranas ng pag-apaw ng creek o sapa na nagdulot ng mga pagbaha.
Nawalan naman ang ilang residente sa Antipolo ng kabuhayan at parte ng kanilang kabahayan dahil sa baha.
Sa datos kahapon, umabot na sa mahigit 300 pamilya o mahigit 1,000 indibidwal ang inilikas patungo sa mga evacuation center sa buong Antipolo city.