Nakakaranas ngayon ang South Korea ng matinding mga pag-ulan sa ikatlong araw na nagdulot ng mga landslide at pag-apaw ng dam na ikinasawi na ng nasa 7 katao.
Ito na ang itinuturing na pinakamatinding pag ulan na naranasan ng bansa sa nakalipas na 80 taon.
Mayroon ding tatlo ang napaulat na nawawala, 7 ang nasugatan at nasa 1,567 katao na ang inilikas sa buong bansa ayon sa Ministry of Interior and Safety.
Posible pa aniyang tumaas ang nasabing bilang dahil sa pag-apaw ng tubig mula sa dam sa North Chungcheong province.
Ipinag-utos na rin ng mga lokal na pamahalaan doon sa South Korea ang pagpapalikas sa mahigit 7,000 mga residente.
Kaninang umaga, nasa maximum na mahigit 2,700 tonelada ng tubig kada segundo ang pinapakawalan sa Gensan Dam.
Pinahinto muna ang biyahe sa lahat ng tren kabilang ang ilang bullet trains dahil sa banta sa seguridad dala ng pagguho ng mga lupa, pagbaha at pagbagsak ng mga bato.
Sa isinagawang pagpupulong ng mga ahensya ng gobyerno ng South Korea ngayong araw ng Sabado, inatasan ni Prime Minister Han Duck-soo ang law enforcers na tumulong sa rescue activities at makipagtulungan sa mga opisyal ng gobyerno para sa pag-mobilize ng mga equipment at manpower sa pagsagip sa mga apektadong residente.