DAGUPAN CITY — Patay ang pitong katao habang sugatan ang iba pa matapos masangkot sa aksidente na nagresulta sa pagkahulog ng kanilang sinasakyan sa isang bangin sa Sitio Mapita, Brgy. Laoag sa bayan ng Aguilar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Mark Ryan Taminaya, Chief of Police ng Aguilar Municipal Police Station, sinabi nito na nanggaling ang sinasakyang truck ng mga nasangkot na indibidwal na napagalamang mga construction worker mula sa itaas ng bundok sa nasabing lugar, kung saan ay mayroong itinatayong solar plant.
Ayon umano sa drayber ng mini dump truck, na kinilalang si Erick James, 34-anyos, at residente ng Brgy. Salawag, Cavite City, na binabagtas ng sasakyan ang bagong gawang kalsada sa bahagi ng Sitio Mapita, kung saan ay pauwi na sana sila mula sa trabaho nang biglang magkaroon ng mechanical problem sa preno ng truck, dahilan upang mahulog ito sa kalapit na bangin.
Nagresulta ito sa pagkakaroon ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng 35 na indibidwal na sakay ng sasakyan.
Agad namang dinala ang mga ito sa pinakamalapit na pagamutan ngunit, sa kasamaang-palad, pito sa mga ito ay nasawi.
Sa ngayon nagpapagaling pa ang iba pa na nasugatan sa insidente, kabilang na ang drayber ng naturang sasakyan, habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Dagdag ni Taminaya na maari namang patawan ng kaukulang kaso ang drayber ng truck dahil nakasaad sa batas na kapag ang isang drayber ay nagsakay ay pananaggutan nito ang kaligtasan at buhay ng kanyang mga pasahero, at dahil na rin may mga nagreklamo na biktima, at pumirma na rin ang mga ito ng affidavit of complain na dadalhin naman ng kapulisan sa Office of the Provincial Prosecutor sa bayan ng Lingayen.
Kung nagkataon ay maaari namang humarap sa kasong Reckless Imprudence.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman na ang employer ng mga biktima ng pagtulong nito sa kanilang pagpapagamot, at kung hindi man magkakaroon ng agreement ay maaari rin itong makasuhan.
Paalala naman nito sa lahat ng mga turista, kabilang na ang mga drayber na paakyat at pababa sa constructon site na huwag magsakay ng marami at huwag hayaan na mag-overload ang kanilang mga sasakyan. maliban dito ay pinapaalalahanan din nito ang mga motorista na iwasang magmaneho kung nakainom o lango sa alak at palagiong mag-doble ingat sa pagmamaneho at alalahanin na lamang nila na mayroon silang pamilya na naghihintay sa kanilang pag-uwi.