-- Advertisements --

Tinanggal sa puwesto ang pitong kawani ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na aktibidad, ayon kay Commissioner Joel Anthony Viado.

Sinabi ni Viado na ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na labanan ang katiwalian at palakasin ang seguridad sa mga paliparan.

Ang mga tinanggal na kawani mula sa NAIA Terminals 1 at 3 ay iniimbestigahan matapos masangkot sa ilegal na pagpapalabas ng mga biktima ng human trafficking na ni-repatriate noong Marso 25.

Kung mapatunayang may kinalaman sila sa insidente, kakasuhan sila sa Department of Justice.

Samantala, iniulat ni Viado na umabot na sa 1,093 biktima ng human trafficking ang naharang ng BI ngayong 2024. Patuloy din umanong ginagamit ng mga sindikato ang mga likas na daanan palabas ng bansa upang maiwasan ang mahigpit na border control.