BACOLOD CITY – Arestado ang pitong mga lalaki at isang babae makaraang mahulihan ng mga armas, bala at eksplosibo sa checkpoint operation sa Escalante City, Negros Occidental.
Una rito dakong alas-5:10 ng hapon nagsasagawa ng checkpoint operation ang 1st Negros Occidental Police Mobile Force (NOCPFMC) sa Brgy. Jonob-jonob nang kanilang ma-intercept ang sasakyan ng mga suspek kung saan nakita ni Patrolman Ruvic Bering ang isang sakay nito ang bumunot ng caliber .45.
Kinilala ang bumunot ng armas na si Kenneth Serondo, 19, single, at residente ng Sitio Magtuod, Brgy. Bug-ang, Toboso.
Maliban sa kanya, arestado rin sina Clint Mangayon, 20, ng Brgy Jonobjonob, Escalante City; Joel Guillero, 40, ng So. Sampinit, Brgy. Libertad, Escalante City; Leon Charito, 60, ng So. Catagbacan, Brgy. San Isidro, Toboso; Buenvenido Ducay, 55, ng So. Napatlagan, Brgy Libertad, Escalante City.
Huli rin si Aiza Gamao, 32, ng Bayong, Brgy Balintawak, Escalante City; Jonathan Alcosiva, 21, ng Yolanda Housing, Palao, Brgy Washington, Escalante City, at isang 17-anyos na lalaki na residente ng Yolanda Housing Palao, Brgy Washington, Escalante City.
Nakuha sa possession ng mga suspek ang limang units ng caliber .45; caliber .38; KG-9 at tatlong rifle grenade; dalawang bote ng improvised dynamite at 21 bote ng improvised petrol bomb at mga bala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Escalante City Police Station na si Major Gil John Despi, nagpapatuloy pa ngayon ang kanilang imbestigasyon kung sa anong grupo affiliated ang mga suspek.
Ngunit ayon sa kanilang inisyal na pag-usisa, magsasagawa ang mga ito ng rally sa lungsod ngayong araw.
Posibleng mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.