LA UNION – Maagang nagsuspinde ng klase ang pitong lugar dito sa lalawigan ng La Union kabilang na ang San Fernando City.
Matapos ang nangyaring malawakang pagbaha kaninang hapon dito sa syudad, nagpasya ang lokal na pamahalaan ng San Fernando na suspindihin ang klase sa lahat ng antas (public at private schools) at pati na rin pasok sa trabaho ng mga local gov’t. offices.
Maliban dito sa San Fernando, nag-anunsiyo din ng maagang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas (public at private schools) ang bayan ng Bauang, Bacnotan, Balaoan, Bangar at Sudipen.
Sa bayan ng Agoo, mula preschool hanggang elementarya lamang (public and private schools) ang walang klase bukas.
Samantala, sa bayan ng Bangar, maliban sa pagsuspinde ng klase ay kinansela din ni Mayor Aleli Concepcion ang nakatakda sanang patronal fiesta celebration bukas sa Balaoan Farmers Civic Center.
Ang ginawang pagsuspinde ng klase ng mga naturang lokal na pamahalaan ay dahil na rin sa patuloy na nararanasang malakas na pag-ulan na dala ng habagat o southwest monsoon.
Ito’y para na rin sa kaligtasan ng lahat kontra sa baha, landslide, at iba pang aberya na posibleng maranasan ng mga estudyante at mangmanggawa.