-- Advertisements --

Inilagay sa lockdown ang nasa pitong siyudad ng Australia matapos na tumaas pa sa mahigit 200 ang kaso ng variant of concern na Delta variant sa bansa.

Katumbas ng halos kalahati ng populasyon o mahigit 12 million katao ang istriktong sumasailalim sa umiiral na stay at home protocol dahil sa lockdown na ipinapatupad sa mga lungsod ng Sydney, Brisbane, Perth, Darwin, Townsville at Gold Coast.

Nakapagtala na rin ng mga kaso ng Delta variant sa limang states at territories sa Australia matapos na unang idineklara ang covid outbreak sa Sydney dahil sa mas nakakahawang variant.

Umapela naman si Queensland Premier Annastacia Palaszczuk para sa reassessment ng mga international arrivals na papayagang papasukin sa Australia matapos na isang regualar traveller aniya ang nagdala ng virus nang magtungo ito sa Queensland.

Inirekomenda rin ng opisyal ang seryosong pagtalakay sa usapin para matiyak na ang mga taong papapasukin sa bansa ay mga nabakunhan na kontra COVID-19.

Hinimok naman ang mga lider ng bansa na bilisan ang pagbabakuna dahil nasa 5% pa lamang ng populasyon ang fully vaccinated. (with reports from Bombo Everly Rico)