-- Advertisements --

Nasa pitong estudyante ang binawian ng buhay habang dose-dosena ang nasugatan sa pagguho ng isang classroom sa kabisera ng bansang Kenya na Nairobi.

Batay sa ulat, nangyari ang insidente sa dalawang palapag na Precious Talent Top School pasado alas-7:00 ng umaga (local time) nitong Lunes.

Ayon kay Education Sec. George Magoha, pumalo rin sa 64 ang mga sugatan, na dinala na sa mga ospital sa lungsod.

Nahirapan naman ang mga rescuers na pasukin ang eskwelahan dahil sa mga taong nagtipon-tipon sa paligid ng pinangyarihan ng insidente.

Samantala, sinisi naman ng school director na si Moses Ndirangu ang pagguho ng paaralan sa konstruksyon ng isang sewer malapit sa lugar.

Paliwanag ni Ndirangu, posible raw na humina ang pundasyon ng gusali dahil dito. (BBC)