BAGUIO CITY – Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang isang mayoralty candidate ng Tayum, Abra kasunod ng barilan sa pagitan ng grupo nito at sa panig naman ng Association of Barangay Captains (ABC) president ng nasabing bayan noong Martes sa Budac, Tayum, Abra.
Ito ay matapos magpositibo ang isinagawang search warrant operation sa sasakyan na ginamit umano ng grupo ni PDP-Laban mayoral bet Joey Mailed Brillantes, pasado alas-5:00 kahapon.
Nakumpiska sa loob ng nasabing sasakyan ang tatlong high powered long firearms, apat na caliber .45 at iba’t ibang klase ng bala.
Pinangunahan ni Captain Ivan Soriano, hepe ng Tayum PNP ang pagpapatupad ng search warrant at hinalughog nila ang sasakyan matapos madamay ito sa nangyaring barilan.
Napag-alamang wala si Brillantes nang isagawa ang operasyon.
Gayunman, sa record ng Land Transportation Office (LTO), ang nasabing sasakyan na Ford pick-up ay nakarehistro sa pangalang Daisy Madriaga na umano’y ginamit ng grupo ni Brillantes sa pangangampanya.
Inihahanda na ngayon ng pulisya ang pagsasampa ng mga reklamong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Act at Commission on Elections (Comelec) gun ban laban sa kandidato.