CAUAYAN CITY – Dinakip sa Santiago City ang pitong miyembro ng isang malaking sindikato na nagbebenta ng pekeng palladium bars sa bansa.
Ang mga naaresto ay sina Rico Callaueng, leader ng grupo, 56-anyos, may asawa, Contractor/Engineer, residente ng Tuao, Cagayan, Apolinario Basanes, 55-anyos, dati umanong miyembro ng militar, may asawa, residente ng Baritao, Manaoag, Pangasinan, Rodolfo Pascua, 46-anyos, may asawa, Jayson Pascua, 30-anyos, may asawa, kapwa magsasaka at residente ng Marabullig 2, Cauayan City, Angel Lacson, 49-anyos, driver, may asawa, residente ng Magalang, Pampanga, Edelina Patio, 50-anyos, Broker, residente ng Mexico, Pampanga at Arnold Villasis, 42-anyos, may asawa, negosyante at residente ng Allacapan, Cagayan.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, inilatag ang Oplan SALIKOP at Oplan Paglalansag OMEGA laban sa mga pinaghihinalaan na kabilang umano sa mga bagong tuklas na Grupo na nagbebenta ng pekeng Ginto at palladium bars na may malawak na operasyon sa bansa.
Pinangunahan ng isinagawang Entrapment Operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Santiago, City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office (SCPO) at sa pakikipagtulungan ng Traffic Group Unit ng SCPO, City Mobile Force Company, Enrile Cagayan Police Station at Solana Cagayan Police Station.
Nakuha sa mga pinaghihinalaan ang isang Isuzu MUX, isang Mitsubishi Pickup, isang Mitsubishi Montero Sports, perang ginamit sa transaksyon na nagkakahalaga ng P10-milyon, isang Caliber 45 pistol SAFARI na may isang magazine at anim na bala, isang holster, isang Cellphone at dalawang piraso ng pekeng Palladium na may bigat na 217 kgs. ang bawat isa.
Isinagawa ang nasabing operasyon matapos na magsuplong ang isang Engr. Felido Bautista dahil nagbenta umano ang naturang grupo sa kanya ng Palladium na nagkakahalaga ng P10-milyon.
Lingid sa kaalaman ng grupo na ipinasiyasat ng biktima ang Palladium kaya napag-alaman niyang peke ang kanyang nabili.
Maaring maharap sa patung-patong na kaso na Extortion at Swindling ang mga pinaghihinalaan na nasa kustodiya na ng CIDG Santiago para sa kaukulang dokumentasyon.
Sinisikap naman ng Bombo Radyo Cauayan na makunan ng pahayag ang mga pinaghihinalaan.