DAGUPAN CITY- Pitong miyembro ng Akyat bahay syndicate na kinabibilangan ng tatlong menor na edad ang naaresto ng mga elemento ng Sual Police station dito sa probinsya ng Pangasinan.
Kinilala ang mga naaresto na sina Dane Ver, 19 anyos, high school graduate , Earl John Tactaquin, 19 anyos, grade 12 student, Den Mar Pendog, 18 anyos 1st year college, Nazareno Calpatura, 17 anyos, Dexter Romero, 17 anyos, at Justine Tactaquin, 16 anyos, pawang residente ng sitio Mayaman, barangay Poblacion, Sual.
Ang pagkakaaresto sa mga ito ay kasunod ng reklamo ng isang Michael Santos, matapos pasukin ang kanyang opisina at tinangay ang vault na naglalaman ng humigit kumulang P2 million.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na isa mga naarestong suspek ay kaibigan ng anak ng biktima at tauhan sa kanilang grocery store.
Ayon kay police Lt. Fredwin Sernio, chief of police ng Sual PNP, sa follow up operation ng mga awtoridad, nakita ang sasakyan ng mga suspek na kulay pulang Mitsubihsi Lancer na nakaparada sa kanang bahagi ng zigzag road sa barangay Poblacion at naaktuhang itinapon ang vault.
Agad na tinawagan ng mga otoridad ang biktima kung sa kanya ang vault na nawawala at nang magpositibo ay isinagawa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.
Una rito, base nakuhang impormasyon ng kanilang intelligence team, namili ang grupo ng kabataan ng cellphone sa lungsod ng Alaminos.
Kaduda duda na sa murang edad ay makakabili sila ng mamahaling cellphone kayat isinagawa ang background investigation at mula sa mapagkakatiwalaang assets ng PNP ay napag-alamang sangkot ang mga ito sa serye ng robbery incidents sa bayan ng Sual at mga karatig bayan at siyudad.
Nabatid na nagawa pang magliwaliw ng mga suspek at namili ng kanilang mga gamit.
Kabilang sa narekober sa mga suspek ang mga mamahaling bag, damit, sapatos, 10 piraso ng one thousand piso bills, tseke, kutsilyo at maraming iba pa.
Sasampahan ng kasong robbery ang mga suspek.