-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Pagod na umano at gustong mamuhay ng mapayapa ng pitong mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko sa militar sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga rebelde na sina Bryan Berallo Bransuela at Julito Blag, mga residente ng Barangay Kuden, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat, Joseph Manguda at Justie Mayao, na mga taga Sitio Tudi, Barangay Legodon, Esperanza Sultan Kudarat na mga tauhan ng East Daguma Front – Far South Mindanao Region (EDF-FSMR) ng NPA.

Kasama sa mga sumuko sina Joselito Kantem, Bebeng Dimaog at Daniel Policia mga residente ng bayan ng Senator Ninoy Aquino at mga kasapi ng Larangan Guerilla Unit 3 ng EDF-FMSR.

Isinuko rin ng pitong NPA ang isang M-14 rifle, garand rifle, M1 carbine rifle, dalawang M1 carbine sniper rifles, garand rifle, isang kalibre .45 na pistola, mga bala, mga magazine at isang .357-magnum revolver.

Inihayag ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy na laging bukas ang pamahalaan sa sinumang kasapi ng NPA na nais nang magbalik loob upang makapagbagong buhay kapiling ang kanilang pamilya.

Makakatanggap ng tulong ang mga rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.